Blogger Widgets

Monday, June 25, 2012

Second Meeting - Reaction Paper


 - Maligayang Pagdating sa Mundo ng Pan Pil 19! -

                               Noong Martes ang ikalawa pa lang naming pagtitipon para sa Pan Pil 19 kung saan tinatalakay ang kasarian at  seksuwalidad sa pamamagitan ng panitikan ng Pilipinas, mula noong bago pa man dumating ang mga Kastila hanggang sa kasalukuyan.  Dahil sa noong unang pagtitipon ay iginugol lamang namin ang buong klase para sa pagpapakilala at munting pasulyap sa Pan Pil 19, pinalawak pa ng aming propesor ang introduksiyon niya para sa kursong ito.   


                        Unang natalakay ay ang eupemismo o ang pagpapalit ng salitang mas magandang pakinggan kaysa sa salitang masyadong matalim, bulgar, o bastos na tuwirang nakapananakit ng damdamin o hindi maganda sa pandinig.  Ilang halimbawa nito ay bulaklak para sa ari ng babae o puke, at hinaharap naman para sa dede ng kababaihan. Mapapansin umanong ang eupemismo ay parte na ng buhay nating mga Pilipino, isang nakagawiang pagbibigay ngalan sa mga maselang bagay dala na rin ng ating kultura at konserbatibong pananaw bilang mga Katoliko.


                    Sunod naman ay napunta ang talakayan sa katanungang – Bakit nagkaka-conflict sa lipunan? Isang tanong na kayhirap sagutin sapagkat tila napakalawak ng kasagutang maaaring ibigay at kapag binanggit mo ang salitang lipunan ay maraming aspeto itong maaaring pagtuunan. Ilan sa mga nabanggit na dahilan ay ang pagkakaroon natin ng iba't ibang pananaw at gustong mangyari sa buhay. At papasok din dito ang kaugaliang akonomics kung saan ayon nga kay Prop. Fernandez ay laging sariling kapakanan lamang ang iniisip nating mga Pilipino at hindi ang kolektibang kaunlaran na matatamo natin sa bawat desisyong gagawin.     
     

                        Huling naging paksa namin ay ang patriarchal system na umiiral hindi lang sa bansa natin, bagkus ay sa buong mundo man. Nabanggit din na kung pakakasuriin ang kwento sa aklat ng Genesis sa banal na bibliya ng mga Katoliko, ang kwento ng paglikha ng mga unang tao na sina Eba at Adan, pati na rin ang ititnuturing na original sin  nating mga tao, ay kakakitaan ng hindi balanseng pagtingin at kapangyarihan (o karapatan) ng mga babae at lalaki sa ating lipunan. Subalit naging malaking katanungan rito ay sa paglipas ng panahon, ang mga kalalakihan nga lang ba ang dapat na sisihin sa patriarkong sistema na umiiral sa atin? Masakit mang isipin, tayong mga kababaihan ay responsable rin sa pag-iral ng sistemang ito. Buti na lamang ay namulat na ang karamihan at kumikilos na upang unti-unting buwagin ito, katulad na lamang ng sinabi ng aming propesor na pagdalo niya sa Beijing, China kasama ang mahigit 350,000 pang kababaihan mula sa iba't ibang parte ng mundo, para pagtibayin ang ilang mga plataporma para sa ating mga karapatan.


                        Sa naging kabuuan ng aming talakayan noong Martes, kasabay ng nakakatuwang pagbabahagi ng aming propesor ng kanyang mga nakaka-inspire at kuwelang karanasan, nakalulugod isiping nabigyan ako ng tsansa ng CRS na makuha ang kursong Pan Pil 19. Karapat-dapat nga ang pagiging in-demand nito dahil na rin sa natatangi nitong paksang nais palalimin ang ating mga kaalaman at pag-unawa sa usaping kasarian at seksuwalidad, lalo pa at ang ating bansa'y itinuturing itong maselang usapin.


                        At bilang isang kabataan, at isang babae na rin, masasabi kong malaki nag maitutulong ng kursong ito para sa paghubog ng ating kamalayan. Dahil sa mga napag-usapang pa lang na iyan, alam kong pahapyaw pa lang ito sa kung ano ba talaga ang estado ng kamalayan nating mga Pilipino, naming mga kababaihan. Kaya naman labis na akong nagagalak at nasasabik sa kung ano pa nga ba ang hindi ko alam, hindi ko pansin at ano nga ba ang mga misteryong pilit na itinatago ng sistema at kultura natin sa akin. Nawa'y maging lubos nga ang aking ligaya sa pagpasok ko sa mundo ng Pan Pil 19!

No comments:

Post a Comment