Blogger Widgets

Monday, June 25, 2012

Third Meeting - Reaction Paper



 - Pahayagan, Tawanan at Alaala ng Kabataan, Sa Pan Pil 19 Lang ‘Yan! -


    Alinsunod sa napag-usapan noong nakaraang pagtitipon, ibinahagi namin sa klase ang aming takdang-aralin - mga artikulo o propaganda mula sa pahayagan na kakakitaan ng lantad  o kubli mang indikasyon ng epekto ng patriarkal na sistema na umiiral sa ating lipunan. Halimbawa nito ay ang patalastas ng isang tatak ng sasakyan kung saan ay may makinis na binti ng isang babae ang nakalantad. Dito ay mawawari nating ginagamit ang mapang-akit na kagandahan ng mga kababaihan upang makahatak ng pansin ang naturang uri ng sasakyan. Tila sinasabi nito sa atin na mga lalaki lamang ang madalas o may kakayanang bumili ng sasakyan o sa ibang salita ay ang sasakyan ay gamit panlalaki lang, samantalang ang mga kababaihan ay hanggang object of desire na lang ang papel sa lipunan.

                    Nabanggit din ang isyu ng female circumcision sa Sudan kung saan kahit na ito ay ipinagbawal na ng batas ay pinipili pa rin ng ibang kababaihan na gawin ito dala na rin ng impluwensiya ng kanilang nakagawiang kultura. Sapagkat hindi sila aasawahin ng isang lalaki kapag hindi sila sumailalim sa tradisyon na ito. Kaya talaga namang masasabi natin na kung minsan, ang sarili nating mga kultura ang siyang naghuhubog sa atin na maging malupit sa ating kapwa, sa halip na maging rasyonal, dahil sa halip na sumabay tayo sa depinisyon natin ng pagiging makatao sa modernong panahon, ay nanatili tayong nakakulong sa lupon ng mga batas at etikong napag-iwanan na ng kahapon.

          Sunod naman nito ay ang pagbabahagi ng mga green jokes na gawang Pinoy kung saan nakapaghahatid din naman ng katuwaan, siguraduhin lamang na bukas ang iyong pag-iisip sa mga ganitong bagay at itatak sa isipang mga biro lang iyan.   

          Matapos niyan ay ang masasabi kong highlight ng bawat pagtitipon namin, ang pagbabahagi ni Ma’am ng kanyang mga naging karanasan. Labis talaga akong nakaka-relate sa mga kuwento niyang pakikipag-kumpetensiya sa mga kalaro niyang lalaki noong siya’s bata pa. Ilan sa mga ito ay ang pataasan ng ihi (kung saan dito siya unang nagtaka sa pagkakaiba nating mga babae at lalaki) at ang pagpatay ng apoy gamit ang ihi!

          Hindi man eksaktong parehas kami ng pinaggagawa noong ako’y bata pa man din, aaminin kong dahil isa akong batang kalye, ang mga naging karanasan ko rin noon tulad ng rambulan, karerahan, bunong braso at marami pang ibang weirdo at kinukunsederang hindi dapat gawain ng isang babae at ang pakikipaglaban sa mga lalaki ay umukit sa ‘kin ng malaking impresyon na para pala mapabilang ka sa loob, sa katanggap-tanggap na mamamayan ng isang lipunan, kinakailangan mong pumasa sa batayan nila ng isang pagiging tunay  na babae o lalaki. Dahil kung hindi, kukundenahin ka. Kaya iniidolo ko talaga ang mga taong nagawang buwagin ang sistemang ito at masayang namuhay at nagtagumpay sa mga naisin nila sa buhay.  

No comments:

Post a Comment