Blogger Widgets

Tuesday, July 17, 2012

Seventh Meering - Reaction Paper


Liberal Feminism at ang mga Challenging na Katanungan ni Ma’am

Habang hinihintay ang iba pang miyembro ng unang pangkat na siyang mag-uulat sa
araw na ito, ay natalakay ni Ma’am ang pagkakaiba ng women’s movement at feminist movement.
Bingyang-diin niya na ang una’y isang kilusan ng mga kababaihan na hindi naman payak na
ipinaglalaban ang mga bagay tungkol sa mga gender issues lamang, tulad ng Gabriela.
Samantalang ang ikalawa nama’y mas pokus ang kanilang ipinaglalaban sa pagkakaroon ng
gender equality sa ating lipunan. Sinabi niya rin na ang unang sosyal na konstruksiyon ng mga
tao ay ang kanyang seksuwal na konstruksiyon.

Nang talakayin na ang Liberal na Feminismo ay tila nahirapan ang mga tagapag-ulat nito
sa kadahilanang nahirapan talaga silang sagutin ang mga tanong at komento ni Ma’am. HIndi ko
naman sila masisisi sapagkat bilang isang mag-aaral na bago pa lang sa larangang ito, hindi
madaling unawain ang “wika” ni Alison Jaggar na siyang sumulat ng librong Feminist Politics
and Human Nature na siyang inirekomendang libro ni Ma’am sa amin. Sabi nga ni Ma’am,
upang matiyak na naunawaan mo ang iyong binasa, kailangang maipaliwanag mo ito gamit ang
iyong sariling salita at wika.

Kaya naman, ilan sa mahahalagang naunawaan ko sa paksa namin ngayon ay ang ugat ng
liberal na feminismo kung saan nabuo ito kasabay ng paglago ng kapitalismo sa mundo. Ito
umano ay nagnanais ng reporma sa politikal na sistemang umiiral noon. Nabanggit din ang
rationality kung saan upang masabing isa kang rasiyonal na tao, kailangang pasok ka sa mga
pamantayang ito: alam mo ang tama at mali, alam mo ang pagpili ng tamang pamamaraan upang
makuha ang mithiin, at ikaw ay nasa panig ng moral ayon sa batayan ng mga tao.

Isa pa sa mahalagang naitatak sa aking isipan ay kung ano nga ba ang ugat ng opresyon
ng mga kababaihan sa mundo, simple lang, ito ay walang iba kundi ang batas natin mismo. At
may dalawang klasipikasyon ang batas, una ay pormal na batas na gawa ng mga mambabatas, at
ikalawa ay hindi pormal na batas, ito ang naabutan mo nang batas na umiiral sa iyong lipunan, sa
araw-araw na pamumuhay ng mga tao. At paano nga ba mareresolba ang problemang opresyon
na ito sa mga kababaihan? Simple lang din, ireporma ang batas! Ireporma ito ng may
konsiderasyon sa mga kababaihan at labanan ang sexism o pagdomina ng mga kalalakihan sa
pamamagitan ng edukasyon.

Maaarin ngang tila napaka-simple lang pala kung pakakaisipin ang ugat ng problemang
ipinaglalaban ng feminismo ngunit sa realidad ng buhay, dahil nga isang matibay na institusyon
ang kinakalaban at pilit na nilalabanan natin, isang sistemang nagnanais din namang mapanatili
ang kanilang kontrol sa lipunan, hindi madaling maisakatuparan ang mabilisang pagbabagong
ito. Lalo na’t kung sa paggamit pa lamang ng edukasyon bilang daan sa abolisyon ng patriarkal
na sistema sa mundo ay limitado lamang ang nakakaranas ng pribilehiyong ito, hindi talaga
magiging madali ang paglaganap ng diwang ito ng feminismo.

Dagdag pa rito ay ang maling pananaw ng mga tao, at maging ng ibang mga kababaihan
mismo, sa kahulugan ng salitang feminismo. Ayon nga kay Ma’am Fernandez ay hindi naman
ito nangangahulugang kinamumuhian na natin ang mga kalalakihan. Bagkus, ang feminismo ay
naglalayong analisahin o suriin nang mabuti ang ating lipunan, ang kultura nito at mga ‘batas’
na naitatag nito. Kaya laking tuwa ko talaga at nabigyang pagkakataon talaga ako na mamulat sa
mapanlinlang na maskara ng ating lipunan, at magising sa mahimbing na agos ng walang malay
at walang pakialam na sambayanan.

Sixth Meeting - Reaction Paper


Sa Wakas, Ang Muling Pagkikita

Isang linggo rin ang lumipas na parang bula at nasayang dahil sa malakas na ulan noong
nakaraang Martes at pagkansela ng mga GE na klase para sa isang forum noong Huwebes. At sa
wakas, matapos ang isang linggong paghihintay ay nakapag-ulat na rin kaming ika-apat na
pangkat. Sa una ay natuwa kami sa mga naging pangyayari sapagkat nabigyan kami ng
pagkakataong makapaghanda ngunit kinalaunan ay tila kami lalong nato-torture sa napakakomplikadong
teorya ni Jaques Lacan, ang Linguistic Theory.

Ilan sa mga nakapaloob na ideya sa teoryang ito ay ang iba’t ibang yugto ng isang bata
tungo sa kanyang psychosexual development. Ang unang yugto ay mula 0-6 na buwan kung saan
sinasabing pinakamalapit ang isang tao sa the Real o ang natural na estado ng tao kung saan wala
pa itong bahid ng epekto ng mga wika, batas, kultura atbp. ng mundong kanyang ginagalawan.
Sunod naman ay mula 6-18 buwan at dito ay dumaraan ang bata sa mirror stage kung saan sa
umpisa ay makikila ng bata ang kanyang sarili at papasok siya sa Imaginary order o ideal self
kasabay ng epekto ng social order ng kanyang ginagalawan. Huling yugto ay mula 18 buwan
hanggang 4 na taon at dito ay natutunan na ng bata ang wika kaya papasok na ngayon ito sa
Symbolic order.

Kasabay ng mga ideyang ito ay ang paggamit ni Lacan ng mga komplikadong
Mathematical formulae bilang gabay sa pagpapaliwanag niya kung bakit - “there’s no such thing
as sexual relationship.” Sinasabing ang mga lalaki ay dumaranas ng castration o ang
pagsasakripisyo para tuluyang makapasok sa ninanais na societal order upang maging
matagumpay sa buhay. Samantalang ang mga babae naman ay hindi ganap ang epekto nito sa
kanila, sapagkat madalas ay hindi naman dumaranas ng Oedipus at Castration Complex.

Napakarami pang ipinaglalaban ng teoryang ito ni Lacan na hindi ko pa rin naman lubos
na maipaliwanag pero sa huli iisa lang ang sinasabi nito sa atin, na ang ang nagbubuo ng
kahulugan ay pagkakaiba o meaning comes form difference and absence. Mapapansin na sexist
kasi ang karamihan sa mga wika sa mundo epekto pa rin ng patriarkal na sistemang umiiral sa
atin. Kaya nga ang teoryang ito, naging daan man para sa panibagong konstruksiyong ng
pagkakaiba ng mga lalaki at babae ay binatikos ng maraming peminista dahil sa pagiging bias
nito sa mga kababaihan. Malalaman pa namin ang mga huling teoryang tatalakayin ng ikalimang
pangkat sa susunod na pagtitipon. Nawa’y lalo pang mapalawak ang aming pag-unawa sa
usaping ito ng sex at gender.

Monday, July 2, 2012

Fifth Meeting - Reaction Paper



Labanan ng mga Teorya Tungo sa Pag-unawa Natin sa Sekswalidad at Kasarian

                        Umpisa na naman ng isang mahabang talakayan ngayon ng mga pag-uulat ng bawat grupo ukol sa iba’t ibang teorya na nagbigay kontribusyon sa konstruksiyon ng sekswalidad at kasarian sa ating lipunan. Una na rito ay ang Penis Envy Theory ni Sigmund Freud kung saan tinalakay ang nagiging reaksiyon ng isang batang babae sa oras na mapagtanto niyang wala siyang penis at siya ay dadaan sa phallic stage sa edad tatlo hanggang lima kung saan sinisisi niya ang ‘kakulangan’ niyang ito sa kanyang ina, kaya ilalayo niya ang kanyang sarili dito at sa halip ay magiging malapit sa kanyang ama. Maaari namang magkaroon ng Oedipus Complex ang anak na lalaki kung saan sila ay magkakaroon ng atraksiyon sa kanilang ina. Ang katumbas naman nito ay ang Electra Complex na maaaring maranasan ng anak na babae kung saan ay itinuturing niyang role model ang kanyang ina. Ang teoryang ito ni Freud ay naging kontrobersiyal at umani ng kritisismo dahil sa patriarkal na pananaw nito at pahiwatig na ang mga babae ay inferior sa mga kalalakihan.

                        Kontra naman sa teoryang ito ni Freud ay ang Woman Envy Theory ni Karen Horney. Sinasabi naman ng teoryang ito na ang mga lalaki ang naiinggit sa kakayahan ng mga babaeng magdalang-tao kaya nakararamdam sila ng inferiority sa atin. At sa halip na sa ari ng mga lalaki tayo naiinggit, maaaring sa estado o status nila tayo mas naiinggit. 

                          Sunod naman ay ang Reproduction of Mothering Theory ni Nancy Chodorow. Tinalakay niya kung paanong naipapasa ang panlipunang papel ng isang pagiging ina sa kanyang anak sa paglipas ng mga henerasyon. Sinuri niya rin ang epekto ng tradisyong ito ng pag-aalaga ng isang ina sa pagkakakilanlan ng lalaki at babae, sa istruktura ng pamilya,  sekswal na relasyon, at ideolohiya tungkol sa mga kababaihan. Halimbawa nito ay kapag naturingang mama’s boy ang isang lalaki ay tila negatibo ang dating nito subalit kapag naturingang papa’s girl naman ang isang babae ay normal lang o positibo pa ang dating.

                        Mayroon pang dalawang teorya na hindi natalakay, ngunit sa tatlong iyan pa lang ay makikita na kung paanong naglalabanan ang iba’t ibang ideolohiya ng mga sikolohista, kung paanong kinokontra nila ang mga nauna na kasabay ng pagbabago ng lipunan sa paglipas ng panahon. Maaaring masasabi nating tila napakababaw o nakakatawa ang batayan ng ilang mga teoryang ito, tulad na lamang ng kay Freud para sa akin, ngunit kung pakakaisiping mabuti ay naging bahagi at nakatulong pa rin ito sa pagbubuo natin ng komplikadong kahulugan ng sekswalidad at kasarian. 

                       Malaki rin ang posibilidad na ang pagtanggap natin sa mga teoryang ito ay naaapektuhan ng ating kasarian at sariling pananaw sa buhay. Ang kultura rin natin dito sa ating bansa ay naging malaking salik ng ating pagpapakahulugan sa bagay-bagay na ito, lalo pa at itinuturing itong maselan at minsan pa nga ay makasalanan umano. Pero gaya na rin ng sabi ni Freud, walang taong isandaang porsiyentong normal. At kung ang libido man ang pinakamalakas na urge sa buhay ng mga tao, anong mangyayari kung ito ay labis na pinigilan? Dahil kung ang sabi nila, para maging normal ang isang tao ay kailangan niyang humanap ng ‘malalabasan.’ Sabi ulit ni Freud, magiging malaki ang inklinasyon ng tao na maging relihiyoso o maging alagad ng sining. Subalit maaari rin namang magdulot ito sa pagkakadiskaril ng sekswalidad. Sa kabuuan, kailangan talaga natin ng kritikal at malawak na pag-unawa sa lahat ng ito. 

Fourth Meeting - Reaction Paper


Biolohikal at Teorya ni Engels Pa Lang Iyan, Kaytaba na ng Aking Kaalaman!

                        Inilaan namin ang araw na ito para sa mga nakatalagang iuulat ng bawat grupo ukol sa biological differences ng  mga babae at lalaki. Tinalakay ng unang grupo ang chromosomal differences   kung saan sa ating mga genes pa nga lang ay makikita na ang ating mga pagkakaiba. Isang tipikal na halimbawa nito ay ang pagkakaroon ng dalawang pares ng 'x chromosomes' ng mga babae o XX na genes, samantalang XY naman sa mga kalalakihan. Nakatutuwang isipin na gumamit pa ng powerpoint  presentation ang grupo at maganda naman ang kanilang slides dahil nakabuod na ang mga mahahalagang impormasyon (ngunit hindi ko alam kung sinong miyembro at anong grupo ba talaga ang nagdala noong projector sapagkat ginamit rin ito ng ika-limang grupo). Dahil sa maayos naman ang kanilang pag-uulat ay 1.25 ang grado ko sa kanila.

                        Sunod namang tinalakay ng ikalawang pangkat ang ating genital differences at siyempre hayag naman na kung ano ang itsura ng kasangkapang kasarian ng mga lalaki at babae. Ang grupong ito ay gumamit ng mga debuho na iginuhit ng isa sa kanilang mga miyembro kaya ang ibibigay kung grado sa kanila ay 1.25.

                        Ikatlong paksa ay ang glandular differences naman at dito ay isa sa mga tumatak sa akin ay tungkol sa ating mga gonads kung saan sa umpisa talaga ay babae ito at matapos pa lang ng ilang mga proseso ay tsaka ito magbabago at magiging lalaki o mananatiling babae. Ibig sabihin lang nito, lahat ng tao ay nag-umpisa sa pagiging babae, well, biologically speaking naman.  Gumawa pa ang grupong ito ng tsart ng sinasabi kong proseso kanina sa isang manila paper kaya bibigyan ko sila ng 1.25 dahil nakita ko naman ang kanilang pagsisikap na galingan ang kanilang pag-uulat.

                        Ang aming grupo naman ay tumalakay sa internal differences at sa totoo lamang ay nahirapan at naguluhan talaga kami kung ano pa nga ba ang aming maaaring talakayin sa kadahilanang ang mga naunang pangkat ay natalakay na ito. Mabuti na lamang ay may ilang mga bagay silang hindi nabanggti at iyon na lamang ang aming idinagdag sa aming pag-uulat.

                        External differences naman ang tinalakay ng huling grupo at sila ay gumamit din ng projector kung saan sila ay nagpakita ng mga larawan upang ipakita ang pisikal na pagkakaiba ng mga babae at lalaki. Dahil talagang pinaghandaan nila ang kanilang paksa, bibigyan ko sila ng  gradong uno.

                        Matapos ang lahat ng pag-uulat ng mga grupo ay ipinaliwanag naman ni Prop. Fernandez ang teorya ni Friedrich Engels ukol sa The Origin of the Family, Private Property and the State. Dito ay hinati niya sa iba't ibang panahon ang kasaysayan ng mundo, kung saan ang unang yugto umano ay primitibo. Sa panahong ito raw ay matriarkal pa ang sistemang umiiral at tila kawawa raw ang mga kalalaihan. Bakit? Ito ay dahil daw sa isang babaeng dyosa ang nagtatago ng apoy, at maaari ring makipag-siping sa kahit na sinong lalaki ang mga babae. Kaya sa oras na magkaanak ang isang babae, walang magawa ang lalaki kundi maniwala na anak niya ang bata dahil wala naman siyang ibang makuhang patunay. Subalit ang mga babae naman ay alam sa kanilang mga sarili kung sino talaga ang kanilang anak sapagkat dumaan ito sa kanilang sinapupunan.

                        Hindi pa namin tapos na talakayin ang teoryang ito ni Engels subalit ngayon pa lang ay tila nahuhumaling na ako sa teoryang ito. Mahirap mang paniwalaan at tila nakasisira ito ng iyong paniniwala sa iyong relihiyon ay nakatataba naman ito ng malawak na isipan at kaalaman. Talaga nga naman palang napaka-kumplikadong usapin ang pagkakaiba ng kababaihan at kalalakihan, mapa-anong aspeto man yan.