Labanan ng mga Teorya Tungo sa Pag-unawa Natin sa
Sekswalidad at Kasarian
Umpisa na naman ng isang
mahabang talakayan ngayon ng mga pag-uulat ng bawat grupo ukol sa iba’t ibang
teorya na nagbigay kontribusyon sa konstruksiyon ng sekswalidad at kasarian sa
ating lipunan. Una na rito ay ang Penis
Envy Theory ni Sigmund Freud kung saan tinalakay ang nagiging reaksiyon ng
isang batang babae sa oras na mapagtanto niyang wala siyang penis at siya ay dadaan sa phallic stage sa edad tatlo hanggang
lima kung saan sinisisi niya ang ‘kakulangan’ niyang ito sa kanyang ina, kaya
ilalayo niya ang kanyang sarili dito at sa halip ay magiging malapit sa kanyang
ama. Maaari namang magkaroon ng Oedipus
Complex ang anak na lalaki kung saan sila ay magkakaroon ng atraksiyon sa
kanilang ina. Ang katumbas naman nito ay ang Electra Complex na maaaring maranasan ng anak na babae kung saan ay
itinuturing niyang role model ang
kanyang ina. Ang teoryang ito ni Freud ay naging kontrobersiyal at umani ng
kritisismo dahil sa patriarkal na pananaw nito at pahiwatig na ang mga babae ay
inferior sa mga kalalakihan.
Kontra naman sa teoryang
ito ni Freud ay ang Woman Envy Theory ni
Karen Horney. Sinasabi naman ng teoryang ito na ang mga lalaki ang naiinggit sa
kakayahan ng mga babaeng magdalang-tao kaya nakararamdam sila ng inferiority sa atin. At sa halip na sa
ari ng mga lalaki tayo naiinggit, maaaring sa estado o status nila tayo mas naiinggit.
Sunod naman ay ang Reproduction of Mothering Theory ni
Nancy Chodorow. Tinalakay niya kung paanong naipapasa ang panlipunang papel ng
isang pagiging ina sa kanyang anak sa paglipas ng mga henerasyon. Sinuri niya
rin ang epekto ng tradisyong ito ng pag-aalaga ng isang ina sa pagkakakilanlan
ng lalaki at babae, sa istruktura ng pamilya, sekswal na relasyon, at ideolohiya tungkol sa
mga kababaihan. Halimbawa nito ay kapag naturingang mama’s boy ang isang lalaki ay tila negatibo ang dating nito
subalit kapag naturingang papa’s girl naman
ang isang babae ay normal lang o positibo pa ang dating.
Mayroon pang dalawang
teorya na hindi natalakay, ngunit sa tatlong iyan pa lang ay makikita na kung
paanong naglalabanan ang iba’t ibang ideolohiya ng mga sikolohista, kung
paanong kinokontra nila ang mga nauna na kasabay ng pagbabago ng lipunan sa
paglipas ng panahon. Maaaring masasabi nating tila napakababaw o nakakatawa ang
batayan ng ilang mga teoryang ito, tulad na lamang ng kay Freud para sa akin,
ngunit kung pakakaisiping mabuti ay naging bahagi at nakatulong pa rin ito sa
pagbubuo natin ng komplikadong kahulugan ng sekswalidad at kasarian.
Malaki rin
ang posibilidad na ang pagtanggap natin sa mga teoryang ito ay naaapektuhan ng
ating kasarian at sariling pananaw sa buhay. Ang kultura rin natin dito sa
ating bansa ay naging malaking salik ng ating pagpapakahulugan sa bagay-bagay
na ito, lalo pa at itinuturing itong maselan at minsan pa nga ay makasalanan
umano. Pero gaya na rin ng sabi ni Freud, walang taong isandaang porsiyentong
normal. At kung ang libido man ang pinakamalakas na urge sa buhay ng mga tao, anong mangyayari kung ito ay labis na
pinigilan? Dahil kung ang sabi nila, para maging normal ang isang tao ay
kailangan niyang humanap ng ‘malalabasan.’ Sabi ulit ni Freud, magiging malaki
ang inklinasyon ng tao na maging relihiyoso o maging alagad ng sining. Subalit
maaari rin namang magdulot ito sa pagkakadiskaril ng sekswalidad. Sa kabuuan,
kailangan talaga natin ng kritikal at malawak na pag-unawa sa lahat ng ito.
No comments:
Post a Comment